Friday, October 2, 2009

“Pepeng” pinahina ng panalangin; Lyne Abanilla tuloy sa pagtulong

PANALANGIN, NAGPATIGIL SA BAGYONG PEPENG: Nakakatiyak ako na tayong lahat ay nakahinga ng maluwag matapos na humina ang bagyong Pepeng, at hindi na natuloy ang pagiging super typhoon nito na laman ng mga balita noong nakaraang linggo.

At bago natin makalimutan at maging kampante na naman, ito ay naganap dahil lamang sa marubdob at tuloy-tuloy na panalangin ng marami sa Diyos, na ilayo Niya tayo sa karagdagang kapahamakan.

Maraming mga Pilipino ang lumuhod at itinangis sa Panginoon ang kanilang mga panalangin, sa pamamagitn ng emails, text messages at iba pang paraan ng komunikasyon, humihingi ng Kanyang awa dahil hindi natin kayang tamaang muli ng isa pang matinding kalamidad sa puntong di pa tayo nakakabangon sa ngitngit ni Ondoy.

-ooo-

MANALANGIN NG WALANG TIGIL: At, tunay nga, sa malaking awa at pagmamahal ng Diyos sa sanlibutan, pinakinggan Niya ang mga panalanging ito.

Ang bagyong Pepeng, na sinasabing isang Category 5 na sama ng panahon dahil sa ang taglay nitong hangin ay halos 250 kilometro kada oras habang ito ay rumaragasa noon sa dagat Pacifico patungo sa Pilipinas, ay humina at lumayo mula sa Northern Luzon noong Biyernes at Sabado.

Ang aral na dapat ulit-ulitin natin sa isyung ito ay ito: kailangan nating manalangin sa Diyos ng mas madalas at hingin ang Kanyang pagmamahal at awa sa ating pang-araw-araw na buhay, at itaas sa Kanya ang ating mga problema ng nakaluhod at may pagsisi sa puso, at siguradong makikinig Siya.

Gaya nga ng sinasabi ng 1 Tesalonica 5:17 sa Bibliya: “Manalangin ng walang tigil o walang patid”.


-ooo-

LYNE ABANILLA: WALANG KAPAGURAN SA PAGTULONG: Isang walang kapagurang binibini kung paglilingkod sa mga nangangailangan ang pag-uusapan itong si Manila Bulletin Vice President for Classified Advertising Lyne Abanilla.

Gamit niya sa paglilingkod ang kanyang karanasan bilang past district governor ng Rotary International (RI) District 3810, kasalukuyang tagapangulo na nasa ikatlong taon na ng RI Public Image Resource Group para sa Zone 7 na sakop ang Pilipinas at Indonesia, at bilang executive director ng pandaigdigang Physicians for Peace.

Noong Oktubre 1, 2009, pinangunahan niya ang pirmahan ng isang kasunduan sa pagitan ng sampung district governors ng RI na nasa Pilipinas at ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), kung saan ang mga Rotarians at mga DENR ay magtatanim ng isang milyong puno sa Pebrero 2010.

Ang kasunduang ito ay napakahalaga dahil na rin sa pagkilalang ang perhuwisiyong inabot natin dahil sa bagyong si Ondoy ay nag-ugat sa kawalan na ng mga kagubatan at mga puno sa ating kapaligiran.

-ooo-

“PANTAWID GUTOM” PROGRAM NAKAPAGPAKAIN NG LIBO-LIBONG KATAO: Noong Septyembre 30, 2009, pinangunahan naman ni Lyne at ng Leader Team sa District 3810 (o yung mga kasama niyang naglingkod sa RI noong Rotary Year 2006-2007) sa pagpapakain sa 2,500 residente na ang mga kabahayan na nasa pampang ng Talayan River sa Araneta Avenue, Quezon City, ay nawasak ni Ondoy, sa pamamagitan ng kanyang “Pantawid Gutom” prorgram.

Sa isang panayam sa BATAS RADIO noong Huwebes, sinabi ni Lyne na ang kanyang grupo ay nagluto ng 20 sakong bigas at nagbukas ng mga delata para sa mga residente ng Talayan.

At sa Oktubre 3, 2009 (Sabado), sa hapon, inaasahang pamumunuan din ni Lyne ang mga Rotarians sa pagpapakain sa isa na namang grupo ng mga biktima ni Ondoy na ang bilang di bababa ng 2,000 sa Marikina City at karamihan ay mga bata.

Pagkatapos ng pagpapakain, tutungo ang grupo ni Lyne sa isa pang evacuation center, sa Marikina din, at mamamahagi naman sila ng mga kumot, lumang damit at iba pang mga bagay na kailangan ng mga biktima, kasama dito ang apat na kahong donasyon naman ng Rotary Club of Davao 2000.

-30-

No comments:

Post a Comment