KAILANGAN DIN NI PACQUIAO NA TUMUNGO SA OSPITAL: Kailangan ni Manny Pacquiao, ang tumatayong pinaka-dakilang boksingero sa buong mundo sa ngayon, na tumungo din sa ospital gaya ni Miguel Cotto, ang kanyang nakalabang Puerto Rican noong Sabado, a-kinse ng Nobyembre 2009, upang magpa-CT-scan at alamin kung mayroong higit pang diperensiya sa pagdurugo ng kanyang tenga.
Ito ang iginiit sa BATAS INTERNET RADIO noong Martes, Nobyembre 17, 2009, ni Dr. Arthur V. Platon, isang siruhanong ginugol ang pinaka-mahusay na bahagi ng kanyang buhay bilang duktor sa Jose Reyes Medical Center kung saan siya nagretiro matapos abutin ang edad ng 65 anyos.
Ayon kay Platon, isang Visionary President ng Rotary Club of Intramuros, ang CT scan ay kailangan upang makasigurado ang dakilang boksingero na ang tatlong maliliit na buto sa kanyang tenga na tumutulong sa kanya upang makarinig ay nanatiling ayos ang kalagayan, at ang tila-salaming bahagi ng tenga na naghihiwalay sa mga kanal doon at sa kanyang utak ay di napinsala.
-ooo-
MGA MAHIHIRAP, TINUTULUNGAN NG MGA ROTARIANS NA LUMABAN SA KAHIRAPAN: Ang mga Rotarian mula sa District 3810 ng Rotary International (RI) ay puspusang kumikilos upang mapaglabanan ang kasalukuyang taghirap sa buong mundo ng mga mahihirap sa Tondo, Manila, sa pamamagitan ng pag-oorganisa sa humigit kumulang sa mga 25,000 residente doon bilang “Rotary Community Corps” (RCC), isang organisasyong kinikilala ng RI upang maging benepisyaryo ng mga proyektong pangkabuhayan ng Rotary.
Noong nakaraang Sabado, Nobyembre 14, 2009, ang mga kasapi ng Rotary Club of Intramuros at ng Rotary Club of Ermita sa pangunguna ng kanilang mga Visionary Presidents, Dr. Art Platon ng Intramuros at Eugene Tan ng Ermita, ay nangasiwa sa panunumpa ng tungkulin ng ilang mga residente sa Tondo sa “Gawad Kalinga Paradise Heights” sa Smokey Mountain bilang mga RCC officers, sa harap ng kanilang mga kasama.
Matapos ang panunumpa sa tungkulin, dalawang seminar pang-kabuhayan na tumalakay sa mga biyaya ng “urban gardening and vegetable growing” at ng pagko-kooperatiba ang nilahukan ng mga residente, na sa ngayon ay benepisyaryo na ng mga regular na medical-dental-prosthesis missions ng dalawang clubs, sa pakikipagtulungan ng Rotary Club of Tondo (sa ilalim ng kanyang pangulong si Konsehal Arlene Khoa).
Ganito ang plano ng mga Rotary clubs: ang mga kasapi ng RCC ay magtatanim ng mga gulay at mga bulaklaking halaman, at ang anumang aanihin nila ay ipagbibili sa isang kooperatiba na sila din ang may-ari na, pagkatapos, ay magbebenta naman sa mga Rotarians at sa publiko.
Ang kikitain dito ay gagamitin sa kalaunan sa pagbili ng mga tricycle upang maipakalat naman sa mga RCC members na kanila naming gagamitin sa hanapbuhay.
-ooo-
PNP’S FIREARMS AMNESTY, PINAHABA NI PGMA: Ang lahat ng himpilan ng Philippine National Police sa lahat ng lungsod at bayan sa buong bansa ay binigyan ng karapatang tumanggap ng mga kahilingan o aplikasyon para sa nagaganap na “PNP firearms amnesty program” (o isang proyektong naglalayong gawing legal ang pagmamay-ari ng baril).
Ito ang isiniwalat noong Martes, Nobyembre 17, 2009, ni Police Senior Superintendent Danny Maligalig, ang hepe ng PNP firearms and explosives division, ang ahensiyang namamahala sa pagpapatupad ng kampanya sa pagpalisensiya ng mga baril, sa isang panayam sa BATAS INTERNET RADIO.
Ayon kay Maligalig, naglabas ang Pangulong Arroyo ng isang kautusan na nagbibigay ng dagdag na palugit, o hanggang Nobyembre 31, 2009 (mula Oktubre 31, 2009 lamang), upang mairehistro ang humigit-kumulang sa 1.1 milyong mga di nakarehistrong baril.
Ang kailangan lamang gawin ng isang nagmamay-ari ng baril na nagnanais makakuha ng amnesty ay magpakita ng kanyang birth certificate, proof of billing para sa anumang bayarin buwan-buwan, at magbayad ng Php1,000 bilang amnesty fee.
-ooo-
PAGBABA NG ESPIRITU SANTO: Ang pangatlong “Misteryo sa Luwalhati” sa Banal na Rosaryo ng mga Kristiyanong Romano Katoliko ay nakapatungkol sa tinatawag na “Pagbaba ng Espiritu Santo”.
Ang misteryong ito ay hindi na kasama ng mga Evangelio nina Mateo, Marcos, Lucas at Juan, pero nakasulat naman ito sa Aklat ng mga Gawa ng Bibliya.
Sa kanyang Kapitulo 2, bersikulo 1 hanggang 41, sinasabi ng Aklat ng mga Gawa na habang nagkakatipon ang mga disipulo ni Jesus sa araw ng Pentecostes, nakarinig sila ng tunog na kagaya ng isang malakas at marahas na hangin mula sa langit, na pumuno sa bahay na kanilang pinagkakatipunan.
Matapos noon, nakita ng mga alagad ang tila mga dilang-apoy na naghiwa-hiwalay at dumapo sa bawat isa sa kanila, at naramdaman nilang napuno sila ng Espiritu Santo na naging daan upang sila ay makapagsalita ng ibang mga wika.
Ang mga Hudyo na nakasaksi sa mga pagsasalita ng ibang wika ng mga alagad ay lubos na namangha, bagamat ang iba sa kanila ay nagsabing lasing lamang ang mga ito kaya ganun.
Dahil dito ay nagsalita si Pedro, at nagsabing hindi pupuwedeng lasing lamang ang mga disipulo kaya sila nakakapagsalita ng ibang wika, sapagkat alas 9 pa lamang ng umaga noon.
Sa kanyang pagsasalita, tinalakay na din ni Pedro ang pagkakaroon ng kaligtasan ng mga makasalanan sa pamamagitan ng pagsisisi sa kanilang mga kasalanan at pagpapabinyag o bautismo sa pangalan ni Jesus.
Matapos ang pagsasalitang ito ni Pedro, nadagdagan ng tatlong libo ang bilang ng mga nananampalataya kay Jesus.
Ganundin, ang kuwentong ito ay nagpapatotoo minsan pa sa pangako ni Jesus na ipadadala niya ang Espiritu Santo sa mga maniniwala sa Kanya, katulad ng naging pangako naman ng Amang nasa langit (Lucas 24:49).
-30-
Monday, November 16, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment